New Home

13 06 2006

Maliban sa pagkakatul ko noong trese anyos pa lang ako [kasinungalingan.  disisais na akong nagpatuli], isa pa sa liberating experience ko ang unang araw sa trabaho dito sa Maynila.  Sakay ako ng dyip mula sa tinutuluyang boarding house sa Sta. Ana papuntang Boni, tapos bus mula Boni papuntang Makati Avenue papuntang Exchange Building.  New joiner ang tawag sa unang pasok naming mga bagong recruit.  Para akong batang bagong tuli ulit sa excitement.  Tuwang tuwang nilalanghap ang polusyon mula sa tambutso ng dyip at makipagsabayan maglakad kasabay ng iba pang yuppies sa Makati na suot ang bagong leather shoes at bagong kula na puting polo.  Kala mo big time na din ako.  Gayang gaya ko din ‘yung paglalakad na komang ng mga Tsinoy businessmen habang pinag-uusapan nila kung ilang stock shares ang bibilhin.    

Bagong mundo ito sa ‘kin.  May mga bagong salitang dapat intindihin.  City Service ang tawag sa mga taga timpla ng kape at orange juice.  
Nakipagkilala din ako sa mga new hires.  ‘Yung isa, binati ko at sinabi kong may  kamukha siyang artista, si Bitoy.  Ang sabi, ”Bitoy who?” na parang nainsulto pa. Hindi nila kilala si Michael V samantalang kadulu-duluhan ng liblib na baryo namin nakakapanood ng ‘Yari Ka!’. 
Tagalog kami sa bahay pero parang ‘lost in translation’ ako dito.  Pag bagong gupit, ang sinasabi ay bagong tasa.  Inuuto talaga ako ng mga kasama ko.  Ano ‘yun, ulo tapos ginamitan ng sharpener?  Ang pekto sa amin ay tao, dito ay komang.  Ang banban sa amin ay masarap na isda na pinausok, dito ang ibig sabihin ay di marunong mag-shoot ng basketball.  At pag sinabi nilang ‘Nakain ka na ba?’, hindi rumerehistro sa utak ko.  Sabi ko na lang, ‘Hindi ako nakain.  Buong buo pa ako, sinong kakain sa akin? Whatta promdi me.