Daddylicious

22 05 2008

‘Miyawrrr! Be!!!!’.  Ginising ako ng isang mabigat na dagan sa butchog ko ng madaling araw.  Akala ko ‘yung pusa na naman, hahatawin ko na sana ng raketang dekuryente na pamatay namin ng langaw.  Kaboses ni BebeKo.  Pupungas pungas akong dumilat at pilit inaaninag sa dilim ang nakahambalang sa harapan ko.  Unti-unting nagkaporma ang kaninang hugis pusang nakadagan sa akin.  Si BebeKo nga, hawak ang isang strip ng papel na pinagmulan ng kanyang kakaibang kasiyahan.  Imposible namang na-promote si BebeKo kasi kung tungkol sa promotion ‘yun, dapat envelope ‘yun na punum puno ng milyones na kwarta. 

‘Tatay ka na!’

‘Ha?’

‘Hindi ka ba natutuwa?  Hindi ka ba tatalon sa tuwa?’.   Naghihintay si BebeKo ng gagawin ko.  Pero hindi ko pa maintindihan ang lahat.  Mabagal mag-reboot ang utak ko pag madaling araw.  Paano ako naging tatay nang dahil lang sa isang strip ng papel na amoy ihi? 

‘Ha?  Kailangan ko ba talagang…?’ Nagdadalawang isip akong tumalon.  Kung ikaw ba naman na tinatrangkaso at nagkumbulsiyon magdamag ay gigisingin ng madaling araw para patalunin, makakatalon ka kaya?

 

Sumimangot na si BebeKo kaya bigla kong binawi ang nasabi.  ‘Eto na po, tatalon na po’.    

 

Nag-umaga na at saka ko pa lang naintindihan ang lahat ng pangyayari.  Isang mayabang na ngiti ang binati ko kina kagawad, sa mga butihing kapitbahay at kay Haring Araw.  Sa wakas, nagbunga din ang pakikipaglabing-labing ni BebeKo sa kanyang labandero [Hehe, ako ‘yung labanderong ‘yun].  Certified na papabol na nga ako.  Papalicious na labandero.  At ngayon ko lang napagtanto ang kahulugan ng pangyayari ng mga nakaraang araw.

 

Nung isang linggo kasi pauwi na ‘ko nang mag-txt si misis nagpapabili ng spaghetti with meatballs saka chicken joy na DAPAT ay may extra gravy.  Meron naman si bayaw sa bahay pero ako daw DAPAT ang bumili. Pasarado na ang SM Munti pag-uwi ko, palabas na lahat ng mga saleslady matapos ang maghapong pagi-istapler ng kung anu-ano.  Tumingin ako sa paligid, naghahanap ng mapapasukan.  Nakakita ng butas.  Nagmamadali akong sumalisi papasok sa exit para lang sawayin at harangin ng guwardiya. ‘Bos, sarado na po’.  Pero nagkunwaring bingengot ako at tumuloy-tuloy lang patungong Greenwich na noon ay nagsasara na.  Mabilis na kinausap ko ang hindi gaanong seksing bisor nila.  ‘Yun ‘yung mga pagkakataong kaya kong isugal ang aking katawan kapalit ng spaghetti with meat balls.  At kung hindi ko makuha sa santong dasalan ay handa akong magkagat labi sa harap ni miss bisor, magpakita ng nipple kong may dalawang piraso ng kulot na buhok o  kaya’y maghubo ng salawal ng tatlong segundo. ‘Baka naman naglilihi ang misis mo’, pabiro ni miss bisor sabay ang malagkit na tingin.  ‘Oo, naglilihi nga’, sinakyan ko na lang din na hindi ko sineryosong biro.  ‘Hindi kasi ako makakauwi pag walang dalang spaghetti’.  Mukang nauunawaan naman ako ni miss bisor pero kanina pa nagpapatintero ang magkabilang kilay nung cook sa pantry habang banas na sinusuot ulit ang toque at sinisindihan ang lutuan. 

 

At ngayon nga, may kakaibang hiling si BebeKo.  Madalas kasing humatsing si BebeKo ng sunod-sunod na parang armalite tuwing umaga.  [Sige na nga, ‘allergic rhinitis’ ‘yun para tunog mayaman].  Ilang daang araw na kaming mag-asawa pero ngayon nya lang ako tinanong kung bakit ako tumatalikod pag humahatsing siya.  ‘Ha? Ano..’, nag-iisip ako kung pano sumagot na walang damdaming masasaktan.  Di ko pwedeng sabihing sari-saring bacteria at germs ang malalanghap ko at pag tatlong sunod-sunod na hatsing ay triple strength bacteria + germs ‘yun.  Umilaw ang imaginary bumbilya  sa kukote ko. ‘Be, di ba talaga namang patagilid ako matulog?’

‘Ayoko’, hindi kumbinsido si BebeKo.

‘Anong ayaw mo?’

‘Basta, gusto ko pag humahatsing ako, nakaharap ka lang.’

Ha?  Kailangan ko ba talagang pagdaanan ang mga ganitong bagay sa ngalan ng paglilihi?  At kung level 1 pa lang na pahirap ito, ano na lang pagdating sa mga susunod na level up?  Sabi ni pareng Nap, hormones lang daw ito, mga pagbabagong nagaganap sa mga babae.  Pero hindi ako naniniwalang hormones ‘yun.  Si Big Brother lang ‘yun na bumubulong kay BebeKo para pagtripan ako at kung anu-anong tasks ang ipagawa.  Pakyu Big Brother!  Pakyu hormones!

 

Ibang klase din ang senses  ng buntis. Tumatalas ang pang-amoy.  Kala ko nga napalitan na ni Cat Woman ang misis ko.  Sinisilip ko nga ang pwet ni misis kung may buntot pero wala talaga akong makita.  Wala talaga.   ‘Ambantot moooo’, sinasabihan na ako ni BebeKo ngayon ng ganito na akala mo nakaamoy ng higanteng arinola.  Nung isang araw, sabi niya amoy dagat ako.  Tapos nung isa pang araw amoy ihi naman.  Huwat?  Ako mabantot?  Langya, hindi pa ba sapat ‘yung paliligo ko ng minsan sa isang buwan?  Hehe. 

 

Mahirap pala talagang maglihi ang mga babae.  Nung una, kala ko tsismis lang ‘yun.  Wala naman kasing paliwanag ang siyensiya sa lihi kundi mga ‘simple cravings’ lang.  Simple pala ‘yung  humiling ng manggang walang buto saka mansanas na hugis atis?  Bagamat hindi pa naman ako nakakaabot sa mga ganitong klase ng pahirap pero isa lang ang konklusyon ko, adik lang talaga mga babae sa Pinas.  Adik.  [At sana makapasok pa ako sa bahay pagkatapos nitong mga pinagsusulat kong ‘to].

 

Advertisements




Questions of Faith

16 05 2008

Dear Papa Jesus,  Baka po napapakunot na naman ang noo niyo pag nagpaparamdam ako.  Sabihin niyo, ‘Nakupo, andito na naman ang salbaheng batang ‘to.  Ano na naman ba kailangan mo?’  Pasensiya na po, alam kong nakukulili na kayo sa akin pero may mga tanong lang akong naghahanap ng kasagutan. 

 

Pano po ba kung dalawang koponan ng basketbol ang nagdarasal sa inyo para manalo, tulad ng taunang banggaan ng Ateneo vs Dela Salle, sino bang pinapanigan mo?  ‘Yun bang nagsa-sign of the cross muna, o yung pinakaelitistang napapa-umaygad? Omigawd.  Omaygad.  Akseptabol ba sa ‘yo ang OMG?  Opo, parang txt na nga mag-usap mga tao ngayon, paiklian.  Meron nga akong bagong salitang ibibida sa inyo ngayon heto.  LOL. Labyu O Lord.  Kala mo ha.  Hehe.

 

Tingin ko lang, parang masyadong one-way communication ‘yung dasal.  ‘Yung nagdarasal lang ang panay ang daldal.  Wala po ba kayong balak na gawan ng pagbabago ‘yung sistema.  Halimbawa, nagdasal ako ngayong umaga, mamyang hapon ay may sagot na kung pwede ba o hindi pwede.  Pwedeng daanin sa mga signs ang sagot.  Pag oo, pwedeng patamaan ng kidlat ang kausap ko, pag hindi naman, pwedeng mahulugan ng bilboard sa EDSA ang boss ko.  Mga ganung signs.  Mas okey sana ‘yung malalaman mo na ‘yung sagot kung may tsansa ba o wala kaysa nakabitin sa hangin.  Tingin ko tuloy, parang sugal ang pagdarasal, hindi mo alam kung matutupad ang mga minimithi mo o hindi. Pano kung ang isang babae nagdasal na gustong magkaanak.  Mahirap kasing paghintayin mo pa ng tatlumpung taon tapos ang sagot pala ay hindi.  Mas mainam sana kung may sagot ka nang ‘Anak, hindi ka pwedeng mabuntis.  Sori, pero hindi talaga nakakabuntis ang kandila’.  Mas mainam na nagkakaintindihan.

 

Ang hina ko nga sa inyo.  Alala niyo pa po ba ‘yung dasal ko noon?  Sabi ko, pag hindi mo ko ginawang lawyer, magiging hubadero na lang ako sa isang strip club o kaya miyembro ng budol-budol gang.  Alam mo namang sa pagiging liar lang ako magaling.  Syempre di ka man lang natinag.   Kung abugado na sana ako ngayon, e di marami na sana akong mahihirap na natutulungan.  Siyempre, konting pakonsuwelo na din na meron akong dalawang Jaguar o Chrysler na tsikot.  Saka malaking bahay.  Saka rancho.  Etc.

 

Saan po ba kayo naggi-gym noong panahon nyo?  Ako, kahit siguro lifetime akong mag-gym hindi ako magkakaroon ng ganyang abs.  Nakakainggit kasi ‘yung abs niyo, six packs, borderline 8 packs pa nga.  Yan po ba ‘yung tinatawag na karpintero exercise.  Pero buti na lang fitness buff kayo kasi pano na lang kung butchog kayo tapos nakapako kayo ng paganyan sa krus, parang comedy tignan.  Di ko yata kayang magdasal ng masinsinan sa inyo kung ganun.    

 

Sobrang commercialized na po ang mundo.  Pansin niyo po ba?  Kabi-kabilaan ang sandamakmak na billboards at commecial ads.  Ibang iba nung kapanahunan mo.  Baka nga magulat ka pagbalik mo dito sa mundo alukin ka ng endorsements ng kung anu-anong produkto.  ‘Ang pagbabalik ni Jesus Christ ay hatid sa inyo ng Mabuhay Miles!  Sayang ang miles’.  Walang kawala pati ang mahaba mong buhok, ‘Ang long curly black hair ni Jesus Christ ay hatid sa inyo ng Sunsilk Shampoo.  Because life can’t wait’.   Ganun na nga po.

 

Bakit po ba matalim tumingin si Pope Benedict?  Magkamag-anak po ba si Uncle Fester ng Addams Family at si Pope Benedict?  May similarities kasi sila.  Galit ba siya palagi o nangtataboy lang siya ng mga bad spirits?  Siguro hindi pa lang po ako sanay kasi mula’t sapul si Pope John Paul na ang nakagisnan kong Pope.  Pero okey na din ‘yun kasi mas matatas naman managalog si Pope Benedict pag Angelus sa Roma kesa kay Pope John Paul.

 

Sana masanay na po kayo sa kakulitan ko.  Di bale, di na ako mangungulit palagi.   Musta nga pala tatay ko diyan sa langit?  Nakapasok din po ba siya diyan?  Pakituruan na lang po ng leksiyon baka minsan nakikipag-kerengkengan na sa mga anghel.  Di ba niya alam na walang pekpek ang mga anghel.  Baka magselos Mommy ko.  Saka pakibantay na din po.  Mahilig ang tatay ko sa pritong manok at tinola.  Baka mapagtripan niya ‘yung manok ni San Pedro e di lagot.  Sige po, sabi nga naming mga super totful na Pinoys, Ingats!

 

 

 





Couldn’t Ask For More

6 05 2008

Hapi bertdey BebeKo.  At dahil ayaw ng mga babaeng nababanggit ang edad nila, hindi ko sasabihing beinte nuebe ka na ngayon.  At dahil ayaw din ng mga babaeng nasasabihan silang matanda, hindi ko din ipapaalala sa ‘yo na mas bata ako ng isang buwan at dalawang linggo.  Ok ba?

 

Andami na nating pinagdaanan sa buhay.  Nakita mo kung pano ako nagbehave mula sa isang pagiging siraulong uhuging disc jockey,  ngayon isa na akong good boy at part time superhero.  Kung dati ako ang ini-stalk mo, inaabangan na marinig ang boses sa radyo at pag di pa nakontento, pasilip silip sa likod ng traysikel malapit sa tindahan namin at nagbabakasakaling masilayan ang anino ko.  Kala ko pa naman hard-to-reach hot tsik kolehiyala ka pa no’n, ‘yun pala, hobby mo na ang pagpantasyahan ako.  Hehe.  Pero ngayon bumaliktad na ang mundo, ako na ang adik na adik sa ‘yo.  Ultimo panty mo, hinahalik-halikan ko.

 

Noon, parang di pa ako seryoso.  Nung panahong ‘tayo’ na nga, hindi man lang kita binigyan kahit lantang red roses.  Pag lumalabas tayo, kung minsan, ikaw pa taya.  Kahit nga sunduin ka sa school pagkatapos ng klase mo, di mo ako maasahan.   

 

Pero hinintay mong magbago ako.  Andami mo ngang hirap sa akin.  Sa law school dati, nahuli mong nakalambitin sa akin ‘yung mga bebot tapos sa harapan mo pa.  Alam kong nasaktan ka dun.  Magpapaliwanang naman ako.  Akala ko kasi gusto lang nilang mag-Tarzan kaya hinahayaan ko lang silang magbaging sa malalaking braso ko.  Ilang araw tayong hindi nagkibuan.  Nung sumunod na araw, nagkasalubong tayo.  Hindi ka nagalit sa akin.  Pilit mong iniintindi ang mga kagaguhan ko.  Kung tutuusin pwede naman sana akong umiwas sa mga ‘yun pero kung bakit di nag-iisip ang kukote ko minsan.

 

Ayaw sa akin dati nina Mama mo saka ni Daddy.  Meron naman kasing mayamang bumbay na may karag-karag na kotse na nanliligaw at sumusundo sa ‘yo, bakit ako pa ang pinili mo.  Pag nagtatampo ka pa nga dati, sinasabihan mo ako ng ‘isang krimen ang mahalin ka’, pero anong nangyari ba’t tayo pa rin hanggang sa huli?  Ano bang nakita mo sa akin at nagawa mong talikuran ang buong mundo para makasama ako?

 

Nakailang break ups ba tayo noon? Tatlo, dalawa pa dun ay tumagal lang ng ilang minuto.  ‘Yung pangatlong break up ang seryosohan.  Alala mo pa ba?  Nasa tuktok tayo ng burol nun, magdidilim na.  Nagda-drama ka pa nga ng inglis sakin sabi mo, ‘Please, when you walk away, don’t look back so you won’t see me hurt’.  Para nakatalikod lang ako at naglilinis ng spark plug ng motorsiklo nagdrama ka na agad.  Oo nga naman pala, sinugod ka kasi ng isang nagmamagandang dilag kaninang umaga dahil sa akin [isang malinaw na kaso ng delusion].  Nagtapang-tapangan ka.  Pinakain mo si hitad ng maaanghang na salita.  Maluluma ang binitawang salita ni Cheri Gil kay Sharon Cuneta na ‘You’re nothing but a second rate TH copy cat’ sa imortal na linyang sinabi mo:  ‘Babae, andami namang bayag diyan sa paligid, hindi ka ba makahanap at kailangan mong makipagsiksikan?’.  Classic.  Pero alam ko napapagod ka na din sa kin.  Sawang sawa ka na sa kung sino-sinong umaaligid at gumagawa ng kwento sa ‘tin.   Isang malaking showbiz ang paligid natin.  Nagawa nila ‘yun kay Sharon at Gabby, pero di ko papayagang gawin din nila sa atin ‘yun.

 

Kaninang madaling araw, di mo alam, naalimpungatan ako, pinapanood kitang matulog ng mahimbing.  Ansarap mong tignan habang sarap na sarap kang sinisiksik ang mukha mo sa kili-kili ko, para bang ‘yung kili-kili ko na ang pinakamabangong unan sa mundo.  BebeKo, sigurado ka bang hindi ka basurera nung past life mo?  Hehe, biro lang po.  Gusto ko nga, pag gumigising ako, ikaw agad ang makikita ko. Ikaw lang ang gusto kong makasama hanggang hanggan, kahit maputi na ang pubic hair ko.   

 

Naisip ko, mahal talaga ako ng Diyos.  Sa dinami-dami ng kalokohan ko sa buhay, ikaw pa ang binigay niya sa akin.  Napapailing na lang ako, ‘Kung sino ang ibinigay ng Diyos sa buhay mo,  isipin mo lang ganyan ka kamahal ng Diyos’.

 

Salamat sa lahat lahat.  Ikaw lang labs ko.  At para sa ‘king bespren, soulmate, at ka-wrestlingan tuwing umaga, gabi at madaling araw, Hapi Hapi Bertdey BebeKo!