Birthday Boy

26 06 2008

Di ko alam kung saan nasusulat na pag bertdey mo, kailangang sagot mo pulutan, signal number 3 na bumabahang inuman pati na rin ang kwentuhan. Ikalabing isang utos yata ‘yun ng Diyos, ‘Kuripot man ang matsing, kailangang manlibre din’. Kaya di na ko makapalag sa mga kaibigan, dating opismeyts, at sa mga chuwariwap ng ka-opismeyts. Relihiyoso ako e. Kailangang alalahanin ang ispiritu ng alak.

At dahil di ko kayo kayang ilibre lahat, heto ang podcast na handa ko sa inyo mula sa Capone’s Bistro Makati. Wag nyo kong tanungin bakit parang hinahabol ako ng sampung demonyo magkwento, exaggerated ‘yun. Nabilang ko ‘yung demonyo, siyam lang. Hehe, ganun lang talaga pag di ka nagpaalam na makikigamit ng mic. Meron silang maliit na stage sa Capone’s para sa mga tulad kong gutom sa atensiyon . Pasensiya na, yan lang ang baon kong jokes. Enjoy.

Click to play podcast. Warning: For mature audience only.

Advertisements




War of the Roaches

22 06 2008

Hindi ka ba nababanas sa mga ipis dito sa siyudad? Anlalakas ng attitude problem, sobrang aangas. Malayong malayo sa mga ipis sa probinsiya na mahiyain, konserbatibo, at marunong magtago pag may nakikitang tao. Dito dumating ka na’t lahat sa bahay, dedma pa din. Tuloy tuloy lang sila sa kung anong pinagkakaabalahan nilang gawin. Para tuloy ako ang nakikitira, nakikisama at sila ang nagbabayad ng buwanang renta sa bahay. ‘Eksyusmi, parang ako yata nagbabayad ng renta dito’.

May kakaibang ugali ang mga ipis sa tinitirhan namin ngayon. Mahilig makinood ng tv. Sabi sa Google, ganun lang daw talaga, attracted ang mga ipis sa screen ng tv. Imposibleng ganun lang ‘yun. Kulang na nga lang ipalipat sakin ‘yung channel. ‘Krrt… krrtt… Badoodles, madaling araw na, palipat nga sa channel 100, ‘yung may bold’.

Pano ba gigiyerahin ang lahi ng mga ipis? Waepeks na kasi ang paggamit ko ng Baygon spray. Binabalewala lang ng mga ipis ang spray kaya tinigilan ko na din. Pag nag-iispray ako, para lang silang mga adik na tumatakbo paikot-ikot ng kabahayan pero di naman namamatay. Immune na yata. Mamya makikita mo pang nag-oorgy sa harapan mo na parang nasa taunang Woodstock concert sa Amerika. Taenang mga totnakerong sanamabits. Tinigilan ko na ang pagbili ng Baygon. Ano sila sinusuwerte? Ako tagabili ng pampa-high nila. Kung gusto nilang magpakaadik, bumili sila ng sarili nilang Baygon spray.

Ano ba talagang silbi ng mga ipis? Bakit ba sila ginawa ng Diyos? Alam naman ng Diyos na ‘bad’ sila at wala silang ibang pupuntahan pag namatay kundi sa impiyerno lang.

Si BebeKo naman kinagat din ng ipis sa paa. Sa buong magdamag, tatlong beses yatang binalik-balikan ang kanyang inosenteng paa. Inunahan pa nila akong dila-dilaan ang paa ng BebeKo, mga hayup na perverts. Dahil ayaw naman magkulambo ni BebeKo, sinusuotan ko na lang si BebeKo ng medyas kahit pa labag sa kanyang kalooban. Konting bola lang na astig pamatay ipis ang medyas, sabi sa medyas commercial ni Manny Pacquiao –anti-bacterial ‘yun – mabisang pang-knockout sa pasaway ni ipis.

Nung isang araw, nakagat ng ipis ang daliri sa paa ko. Sobrang kati di ko mapigilang ikaskas sa pader. Buti na lang pala hindi ako sa etits kinagat. Isipin mo na lang itsura ko habang kinikiskis ang sarili sa kahabaan ng pader sa EDSA. Kung may instant headliner sa TV Patrol at Bente Kwatro Oras, alam niyo na kung sinong tatawanan niyo.

Kahit diyahe mang ipa-check up ang pangangati ng paa ko, pinacheckup ko na din kay doktor kuwan. Nakalimutan ko ang pangalan ni doc, basta katunog ng bayag ang apelyido niya. Pero kung inaakala kong tatawanin ako ni doc dahil sa pagpapachekup ko ng kagat ipis, nagkamali ako.

‘Nung isang linggo nagpachekup sakin dito si US Ambassador Kristie Kenney. Nakagat ng insekto ang mata.’, expressionless na sagot ni Doc Bayag.

Naisip ko, mukhang nagkaroon ng masinsinang annual conference ang mga insekto at gustong puntiryahin ang mga high profile na mga tao. Kaya babala na din ito, konting ingat na lang sa inyo, mga katulad kong magagaling, matatalino at artistahin. Tayo ngayon ang target ng mga insekto. Di ko alam kung bakit, ‘wag nyo saking itanong. Baka trip-trip lang nila, pauso ba. Nagbigay na din ng prescription si doc na Chlorpheniramine para kay BebeKo, safe na antihistamine para sa buntis.

Kagabi ang oras ng paghihiganti. Magdamag kong inabangan ang ipis na salarin. Habang naghihintay, inumpisahan kong basahin ang Art of War ni Sun Tzu. Tinandaan ko ang sinabi ni Sun Tzu na ‘Speed is the essence of war’. Alas dose na pero di pa dumadating ang manyakis na ipis. Bumibigat na mata ko pero mukhang iisnabin ng ipis ang duwelong pinaghandaan ko. Madaling araw nang maalimpungatan ako. Isang maitim na bagay ang dahan dahang umaakyat sa aming higaan malapit sa paanan ni BebeKo. Ilang hakbang pa, mayabang na nitong inaangkin at minamarkahan ang teritoryong dapat ay sa akin. Kailangan kong ipaglaban ang aking karapatan. Ito ang nasasabi sa batas. Ang karapatan ay isang bagay na hindi binibigay sa iyong harapan, kailangan mo itong angkinin at ipaglaban kahit pa sa marahas na paraan. Itinaas ko ang aking hawak na Spartan tsinelas. At sa isang iglap, isang malakas na hataw ang tumapos sa walang kakwenta-kwentang buhay ng ipis. Patay ang ipis. Ito ang bihirang pagkakataong masasabi kong may katarungan pa rin sa mundo.





In Memoriam

15 06 2008

Tatlong sunod-sunod na gabi na kitang napapanaginipan.  Weird.  Wag mong sabihing nagpaparamdam ka lang dahil Father’s Day na.  Imposible ‘yun,  bertdey mo nga nakakalimutan mo, ‘yung father’s day pa kaya.  Matagal tayong nag-uusap sa panaginip na parang magdamagan.  Tumatagay ako tapos nagkakape ka naman.  Binibiro nga kitang ‘clean living’ ka na ngayon.  Sabi mo papogi points lang, may nakilala kang tsiks dyan sa kabilang buhay. 

 

‘Malaki ba boobs?’, awtomatikong tanong ko sa ‘yo.

‘Estupido’

‘Bakit ka pa naghahanap ng iba, kala ko mahal mo Mommy ko’.

‘Mahal ko naman Mommy mo…’

‘Hindi na nag-asawa si Mommy mula ng mamatay ka’, pangongonsensiya ko.  Hindi ka na sumagot.

‘Uwi na ako’, pinutol mo na ang usapan.

‘San ka uuwi?’, pahabol ko pa pero hindi ka na sumagot.  Lumakad ka nang papalayo hanggang nilamon ka na ng dilim. Sa puntong ‘yon nagigising na ako dala na rin ng ingay ng malakas na ulan sa labas.  Mabigat ang patak ng ulan,  bumubulong ng isang malungkot na nakaraan.  Bakit ba ang ulan may pagka-emo, tuwing pumapatak lagi na lang may dalang malungkot na alaala?

 

Mahirap magkaroon ng tatay na tulad mong siga.  Kelangan kong i-meet ‘yung expectations ng pagiging anak ng isang siga.  Naalala ko noong bata pa ako, tuwing napapadaan ka kasama ang mga alipores mong bandido, kailangang pinapakita ko sa ‘yong binabatuk-batukan ko o kaya inuuntog sa pader ang mga kalaro ko.  Clueless tuloy sila kung anong nagawa nilang malaking kasalanan sa kin.  Kaya tuloy naubusan ako ng kaibigan.  Kung meron man akong natirang tapat na kaibigan, si Kojak na sintu-sinto lang saka si Apeng pilay.  Di kasi nila ako kayang takbuhan.

 

Lumaki din akong tigas ulo.  Hehe.  Hindi mo nga ako mapalo noon.  Alam mo kasing pag pinalo mo ako ng dos por dos, inuunahan na kita ng ‘Sige sumbong kita sa pulis.  Sabihin ko andito ka lang sa bahay nagtatago’.  Takot ka naman.  Hehe.  Kala mo, mas wais yata ako sa ‘yo.  At pag nagpapabunot ka pa ng puting buhok sa akin noon sa halagang piso bawat puting buhok, ngayon aaminin ko na, hindi mo talaga puting buhok ‘yon.  Puting sinulid lang ‘yun na pinutol ko ng maiikli.  Oo, ‘yung buhok mong itim ‘yung binubunot ko kaya ka nagkapoknat sa tagiliran ng ulo.  Walang personalan, trabaho lang. 

 

Di ka marunong magbasa at sumulat.  Numero lang at sugal ang alam mo sa buhay.  Pero salamat na din sa naituro mo sa aking pangungupit at pandudugas sa kapwa, nakatulong talaga ng malaki sa buhay ko.  Hayskul ako ng nawala ka pero natuto akong mabuhay sa tagilid na lupa.  Biruin mo, nakagradweyt pa ako ng kolehiyo na pandudugas at laway lang ang puhunan.  Do I make you proud?

 

Wala ka man lang naipamana sa aking good manners and right conduct.  Kung bakit naman kasi wala kang manners.  Hirap tuloy ako pag kumakain kami sa labas kasama ang mga bosing ko.  Lumalagutok sa ingay ang pakikipag-wrestlingan ko sa mga lobster at red crabs.  Tuloy bihira na nila akong sinasama ngayon.  Okey lang.  Puking ina nila.  Ansarap kayang humigop ng sabaw na may kasamang sound epeks. 

 

Pa, paano pala kung wala ka diyan sa langit?  Pwede bang magpakasamang tao na din ako para magkita pa din tayo?  Kahit gago ka, wala na akong magagawa dun, tatay kita.  Pagbali-baliktarin ko man ang mundo, hindi maikakailang nanggaling ako sa betlog mo kaya  kailangang irespeto kita, alalahanin, at bigyang pugay.

 

Ngapala, wag mong kalimutan, June 18 ang bertdey mo.  Hapi Bertdey na lang sa ‘yo.  Sayang di ka na makakatikim ng umuusok sa lamig na beer at super sarap na sizzling hot fried chicken.  Cheers.





Crossroads

12 06 2008

Sa buong buhay ng isang empleyadong Pinoy nakakalimang palit siya ng trabaho. San ko nakuha ang statistics ko? Diyan lang sa mga tambay sa kanto. Tsaka napanaginipan ko din kagabi. Tsaka try mong mag-google, ganun din ang lalabas. At ngayon, aabot na ko sa panglimang trabaho ko. Pag sumobra pa ako sa lima, isa lang ang ibig sabihin nito, malamang mali ang statistics ko, hindi ako Pinoy, o taga-Jupiter nga talaga ako.

Sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko, malaking porsiyento nito ang pag-aari ng Microsoft. Ngayong umalis na ko, di na talaga mangyayaring makaka-rubbing elbows ko pa si Bill Gates. Plano ko pa naman, pag nagpunta si Bill dito sa Pinas, aayain ko siyang makipag-inuman sa Tondo at patikimin ng gin bulag, ‘yung gin na nakakaduling sa mga hindi sanay tapos ipapahabol ko siya sa mga excon ng taga. Pano sinira ng Vista Ultimate edition ‘yung kabagu-bagong kompyuter ko. Ngayon, hindi na mangyayari ‘yun. Di ko na rin siya matatanong kung bakit ayaw nyang bumili ng sex appeal gayong bilyones naman ang pera nya.

Trabaho ko lang ang legal na karibal ng misis ko sa atensiyon. Pasensiya na, pero labs ko talaga ‘tong kumpanya at trabaho kong ‘to. Sinabihan na ako ng kuya ko na maling mahalin mo ang trabaho mo. ‘Trabaho lang ‘yan, pag hindi ka na malakas, hindi ka na nyan kailangan’. Para palang pokpok ang trabaho. Ewan, pero masarap talaga ang pag-ibig na pinagbabawalan.

Nakaka-guilty na umalis dito dahil una, walang pulitika sa trabaho. Lahat ng kaopismeyt mo propesyunal kausap. Lahat yata dito asal tao. Kaya tuloy napipilitan din akong magkunwaring normal. Pero paminsan-minsan di ko pa din makontrol ang biglang bibirit ng kanta sa loob ng elevator. Na punumpuno ng mga bosing at senior executives. Kung may siraulo man dito, ako lang ‘yun. At kung meron nga talaga akong kalahi dito, swerte kong di ko pa sila nakasalamuha.

Halos lahat din ng mga luho binibigay ng kumpanya. San ka pa nakakita ng kumpanyang may sariling kindergarten para sa mga anak ng empleyado, resident doctors, gym, boxing class, recreation center etc. Meron pang breastfeeding room na di ko naman alam gamitin. At san ka pa nakakita ng kumpanyang ipinapasara ang buong Greenbelt cinema para lang makapanood ang kanyang mga papampam na mga empleyado? San ka pa.

Andami ko nang pinanggalingang trabaho pero wala man lang akong maikumpara kahit abot hanggang kalingkingan man lang dito. Nakapagtrabaho na din ako sa gobyerno pagkagradweyt ng kolehiyo pero langya, unang sabak ko dun kelangang makisama sa mga sangkatutak na palautos na airheads. Ultimo ‘school projects’ ng kaibigan ng assistant ng boss mo e kelangang ipagawa sa ‘yo. Putangina. At mas matino pa nga ‘yun dahil ‘yung ibang katropa ko e tagabili ng banana cue pagpatak ng alas tres ng hapon. Para bang nag-hire sila ng college graduate para ma-garantiya na may sapat itong kakayanan na bumili ng banana cue at turon. Buti na lang at di sila tinanong noong nag-aapply pa lang sila ng trabaho ng ‘Totoo ba ’tong nasa resume’ mo na mahusay ka daw magbalik ng sukli? Marunong ka bang maglagay ng babana cue sa supot? Magaling ka bang magmasahe?’

Hanggang sa huli, kinukumbinsi pa din ako ni pareng Mark ‘The Big Man’, ‘yung HR namin na sa taong 2040 na lang daw ako magresign. Alangan, sabi ko bigay nya muna sakin sweldo nya para di na ako magresign, ayaw ba naman. Hehe. Mukampera kasi ako kaya nasilaw ako sa ‘job offer’ ng ‘the dark side’.

Pero dahil buo na ang loob kong umalis, gusto ko lang sanang magtenkyu. Sa mga nakilala ko, mga barkada kong ‘gobilam’, mga nakabatuhan ng football sa mukha, at mga hindi sinasadyang nakahawakan ng pwet sa elevator, maraming salamat sa mga makulay na alaala. Salamat din sa nagsoli ng wallet kong nawala kani-kanina lang sa opis. Inisnab ba naman ‘yung milyones sa wallet ko. Kaazar. Hehe. Alam ko namang uber honest kayo, masyado niyo namang pinapahalata.Wala nakong masasabi sa inyo. Paalam na lang, wala na akong makikitang mga taong katulad nyo – mababait, matatalino at siyempre, artistahin. Basta, tsienes tsienes na lang. In inglis, see you when I see you. It has been a pleasure! See you at the crossroads.





Two More

4 06 2008

Kung sinong gustong makipag-trade in ng kanilang Sony PSP, XBox, o house maid kapalit ng isang betlog ko, call ako.  Tatlo ang betlogs ko.   

 

Kailan lang na-diagnose ang bukol ko sa likod malapit sa tagiliran.  Paniwala ko, pangatlong betlog ko lang ‘yun.  Sabi ng katropa kong doktor, kailangan daw tanggalin.  Di ako agad naniwala.  Mahirap paniwalaan ang diagnosis ng isang doktor na barka-barkada mo lang.  At kahit pa siguro taningan niya buhay ko, parang wala lang sakin.  Mas convincing pa nga ang pangalawang teorya ko na ‘yung bukol ko sa tagiliran, kung hindi betlogs, libog lang ‘yun na namuo at hindi nailabas.  Mas kapani-paniwala naman di ba?  Hinde?  Tado ka ah. Suntukan na lang.

 

Minabuti kong magpa-second opinion sa Asian Hospital.  Sabi ni Dr. Cinco tumor nga daw ‘yun at kailangang tanggalin.  Totoo nga.  Hindi ko na pinagpilitan ang aking personal na teorya.  Kung kayo ngang matagal ko nang kapalitan ng kuro-kuro ayaw ding maniwala sa ‘kin, mas lalo pa siguro ang patpating doktor na ‘yun.  Dun ko lang napag-isip isip na seryosong usapin nga ‘to, pangatlo ang importansiya kasunod ng all time high poverty rate saka oil price hike na nararanasan ng bansa.   Kung madedbol ako, tiyak andami ninyong malulungkot at ngangawa [assuming na totoo kayong kaibigan].   Naisip ko, buti pa ang mga bulate, hindi tinatamaan ng sakit tulad ng tumor, kanser, o pulmonya.  Sana naging bulate na lang ako.  Bulateng blogger.

 

‘Kasinlaki siya ng golf ball, na nakakapit sa laman’, paliwanag ni doc habang pabulong kong sinasabing ‘Hindi nga golf ball ‘yun, sabi na kasing betlog ko ‘yun’. 

‘You’re saying something?’

‘Ay em saying nothing.  Iniisip ko lang doc, kung tatanggalin mo ‘yun, magkaka-keloid ba ako?’. 

Tinignan ako ni doc mula ulo hanggang paa, kinakalkula ang probability na ang isang purong native na nanggaling sa pinagsama-samang lahi ng indones, malay at nognog ay pupuwedeng magka-keloid.  ‘Sa tingin ko naman sa balat mo, di ka magkakakeloid’.  Tarantadong ‘to.  Puke ka naman doc, porke ba sandaang porsiyentong exotic ako, wala nakong karapatang magka-keloid? 

 

Pampalipas oras habang hinihintay ang pag-iskedyul ng operasyon, nagbaon ako ng joke para kay doc . ‘Knock Knock doc ’.

‘Who’s there?’, sumakay naman si doc na nakangiting aso wala pa man ‘yung punchline.  Natatawang naninibago na parang ngayon pa lang nakaengkwentro ng pasyenteng siraulo. Fyi, nagkalat na kami ngayon sa mundo.

‘Tumor’

‘Tumor who?’

‘Tatanggalin na ni doc ang betlogs ko, ok lang kasi sabi niya I have two more’.  Kaadik-adikang corny joke.  Hindi natawa si doc. 

 

Bakit kaya walang nagkakatumor sa taba?  ‘Yung sasabihin ng doktor na ‘may tumor ka sa taba.  Kailangan nating tanggalin ang lahat ng taba mo sa katawan’.  Wow.  Kung nagkataon, parang good news ‘yun, lahat siguro ng figure conscious mangangarap na magka-tumor sa taba.  Para ka lang nagpa-lipo for half the price.

 

Madaling araw isinagawa ang operasyon.  Kasabay ko sa elevator kung hindi mga Kano ay Awstralyanong hatsingero.  Bakit kaya nila tinawag na Asian Hospital ito tapos hindi naman Asyano ang mga pasyente.  Kung meron man akong nakitang Asyano dun, ako lang ‘yun saka si Aling Anda, ‘yung nanay ni Vic Sotto sa sitcom na Full House ng siyete.  At dahil nga Asian Hospital, naisip ko sana may nakapaskil sa reception na ‘Only Asians Allowed’.  Para naman makaganti-ganti sa mga Australianong racist na nagkakabit sa kanilang mga restawran ng ‘No Asians Allowed’.  Tablado lang.  At sana pag bumisita ang mga Australianong racists dito sa Pinas, matetano sana kayo sa kakakain ng fish balls sa kalsada, at sana walang ospital ang tatanggap sa inyo dahil ‘Only Asians Allowed’. 

 

Ilang oras din akong binabad sa control room para i-sanitize ng hubo’t hubad.  Nabalewala ang pakikipagbargain ko kay miss nars na kung pwedeng mag salawal.  Hindi daw pwede.  Period. Gusto niya talagang pagnasaan at angkinin ang kabuuan ng aking katawan.  Hayup.  At matapos ang matagal na oras, kinumusta ulit ako ni nars.  ‘Eto ok naman miss nars, bold star na bold star pa din.’  Saka pa lang niya naalalang bigyan ako ng damit pang ospital.  Oo, ‘yung daster na may hati sa likod na kahit anong taling gawin mo ay dudungaw at dudungaw pa din ang iyong pwet.

 

Maayos naman ang operasyon.  Pwede ka pa ngang pumili ng mga kantang ipapatugtog bago ka hiwain ng dalawang doktor at dalawang nars.  Pinili ko ang ColdPlay.  Gusto ko sana ng April Boys kaso baka tuluyan na nila akong paghiwa-hiwalayin at isupot sa itim na garbage bag.  At habang dina-dissect ako ay nagtsi-tsismisan pa ang dalawang doktor kung sino bang tatanghaling FHM’s sexiest ngayong taon.  Kaya kung sakaling aksidenteng maputol nila ang kanang hita ko, dalawang tao lang pwede kong sisihin, si Katrina Halili at Marianne Rivera.

 

Update:  Nakatatak na yata sa DNA ko ang pagiging malikot.  Ilang araw pagkatapos ng operasyon, bumuka ang sugat.  Trip niya lang mag-hello world.  Wala ako sa mood makipagkumustahan sa kanya at makipagpalitan ng kuro-kuro tungkol sa  all time high poverty rate saka oil price hike  ng bansa kaya tinapalan ko ng scotch tape.  Bumuka ulit kaya tinapalan ko naman ng electrical tape.  Nung huli, pinatahi ko na lang ulit.  Ngayon, andito ako sa bahay, nakahilata at nagmamarathon movie at sirang plakang nagpapatugtog ng Metallica.  Wag kang mag-alala, hindi pa ako mamamatay.  Basahin ang nasusulat tungkol sa masamang damo kung ayaw mong maniwala.