Episode 4. Lazy Boy

25 05 2012

May mga araw na tinatamad  ka, gusto mo lang talagang tumunganga, humilata at magpalaki ng betlog.  Minsan sa opisina bigla akong tinamaan ng lintek na katamaran, gusto kong matulog sa ilalim ng cubicle ko.  Office hours nun.  Tinimbrehan ko na ‘yung kaopisina ko na magpa-power nap ako sandali.  Ok na sana ‘yung pagkakapwesto ko kaso maya maya, nasarapan ako sa pagtulog napalakas na ‘yung hilik ko.   Narinig ng isang bosing namin na napadaan.

Bosing1:  Ano ‘yun?  May umuungol o?
Opismeyt:   Wala boss.  ‘Yung pusa ‘yun. *sabay sipa sakin.
Bosing1:  Meron di niyo naririnig?
Ako: Miyaw!  Miyaw!

Muntik nakong mahuli shyet.  Kaya ngayon inaaral ko na pano lumikha ng hilik na parang pusa.  At hindi siya madaling gawin.  Miyawh.  Miyewrrhh.  Miyu-owhhrrr.

Pero nakakabanas din ‘yung nagpipilit kang magtrabaho kahit wala ka ta-mod.  [*Buyoy ako].  Di mo man lang irespeto ang sinisigaw ng katawan mo na ‘gimme a breyk bosing’.    Naisip ko nga kung ako magiging presidente ng Pinas, magdedeklara ako ng National Day of Tunganga, ang araw na legal lang ang tumunganga sa opisina.  Hindi na natin kelangan i-celebrate ang Labor Day dahil sawang sawa na tayo sa kakatrabaho.  At hindi mo dapat pinagdiriwang ang Labor Day, di ka laborer.  Lalong di ka din nagle-labor.

Malaki ang nagagawa ng katamaran sa ating lipunan.  Biruin mo kung hindi tayo tamad, maiimbento ba ang mga bagay para sa mga taong tamad tulad ng washing machine, elevator at Jollibee delivery?  Pati nga ‘yung pag-aasawa kinatatamaran na din.  Kung sino na lang ang dumating sa buhay, ‘yun na agad ang pakakasalan.  Love at first sight?  Kamon. Kombins me.

Pinag-uusapan na din lang ang katamaran, ang pinakaayaw kong gawain sa bahay ay ang maghugas ng pinggan.  Lagi akong nagpapalusot para di mautusan ni misis.  Sinasabi kong ang paghuhugas ng pinggan ay gawaing pambabae.  Kaya ang tawag sa dishwashing liquid ay Joy — pangalan ng babae.  Kung gawaing panlalake sana ‘yan, di sana tinawag ‘yang Dagul Dishwashing Liquid.  Hindi kumbinsido si misis.  Eh di gumamit daw ako ng Mr. Clean.

Katamaran din ang dahilan ng hindi ko pagba-blog ng isang taon.   Aminado naman akong palusot ko lang ‘yung busy ako sa trabaho.  Oo busy akong matulog.  At kahit pa busy sa trabaho, siguro naman sa isang taon na ‘yun meron at merong oras akong mahahanap para makapag-blog.  Pero wala, tinamad.  Sabi ko nga, ‘Kung gusto maraming paraan, kung ayaw… tamad lang’.

Tanong:  Ikaw, anong pinakaayaw mong gawaing bahay?

PS.  Big big tenkyu kay pareng Danny ng lovelesspoet.wordpress.com sa pagpapaalala saking mag-blog ulit.  Kaya kung nakakalimot ako o tinatamad akong mag-blog, siya ang sisihin niyo hindi ako.  Haha.

PS Ulet.  Wag niyong bisitahin ‘yung blog niya.  Walang laman.  Haha.

Piktyur 1.] Cubicle ko.  Swerte ko ‘pag may naipupuslit akong momom sa opisina.

Advertisements