From Here to Paternity

16 01 2009

False alarm ang panganganak ni misis nung bisperas ng bagong taon kaya balik ulit kami sa bahay, balik sa kanyang walang katapusang paglalakad-lakad at balik pagde-dress rehearsal kung ano ang gagawin namin kung sakaling sumakit ulit ang kanyang tiyan na walang kinalaman sa diarrhea.  Record to beat ay 5 minutes.  Lumipas ang isang linggo, wala pa rin.  Naiinip na ako. Pinapaakyat ko na nga si misis sa puno ng santol para mapwersa na ang baby na lumabas kaso lang ayaw ni misis.  [Sa dahilang ayaw niyang masilipan ko daw siya.  Akala mo pag-iingat sa sanggol ang dahilan ano? Haha].  At noong January 8 nga, isang napaka-kaswal na araw, sumakit ang tiyan ni BebeKo.  Naligo siya.  Ginising ako.  Ayaw kong magpagising.  Ginising ulit ako.  Naligo ako.  At pumunta kami ng ospital.

Pero hindi ganun kasimple.  Pagdating namin sa ospital, 3cm pa lang din si misis.  Walang pinagbago noong nakaraang linggo. Ibig sabihin, ‘yung etits ko pa lang din ang may kakayahang  magpanik-panaog sa kanyang loob, in-out, left-right, up-down saka jump.  Hindi ko alam kung tamang desisyon ba pero pina-admit ko pa rin si misis para iinduce labor.  Nagpaalam na kami sa  isa’t-isa dahil bawal daw ang isang malaking mikrobyong nagkatawang tao sa loob ng delivery room.  Hmmkei.  At pasensiya na kung di ko alam ang sasabihin ko para i-cheer up ang isang buntis.  Wala akong nasabi sa kanya kundi ‘Go go girl?’ na may kasamang choreography ni Ultraman.

Nakalingat lang si misis, masaya na akong nakikipaglandian sa admitting section [kailangang ganun talaga, kinakausap ko kung baka naman pupwedeng ilipat kami sa private room dahil punuan ng mga panahong ‘yon].  Mamaya pa, bigla akong pinatawag ni doktora para bulagain ng isang OMG na balita.  Sabi niya humihina ang heartbeat ng fetus, ‘pag hindi nag-stabilize kailangan nang hiwain si BebeKo para i-caesarian.  Nabura lahat ng landi factor sa mukha ko.   

Sa unang pagkakataon, nakapagdasal ako kay Papa Jesaz ng seryosohan.  Usapang lalaki.  Pakiusap ko wag niyang pabayaan si misis at si fetus.  Nangako ako sa kanyang mamamanata at maglalakad ng walang tsinelas sa taunang pista ng Poong Nazareno sa Quiapo.  Nagpramis din akong maglalagay ng banal na salita sa blog ko – size 24 Arial Bold na font na nagsasabing, ‘Barilin ang nakikiapid’ at ‘Pag bad ka, lagot ka!’, mga ganun.   Kung pwede lang ibigay kalahati ng buhay ko sa misis ko para siguradong makayanan niya ang panganganak, binigay ko na.  Sa kabilang banda, ‘yun din ‘yung mga desperadong panahon na naiisip kong kung pwede lang ding isanla ang kaluluwa ko kay Satanas at maging advertising/PR manager niya sa impiyerno, ginawa ko na rin [yun ay kung mas maayos ang negosasyon namin].  Tulirong tuliro ako ng mga panahong ‘yon.  Oo, at may ‘as in’ talaga ‘yan dear ate Charo.
Basahin ang karugtong nitong lahok »

Advertisements




War of the Roaches

22 06 2008

Hindi ka ba nababanas sa mga ipis dito sa siyudad? Anlalakas ng attitude problem, sobrang aangas. Malayong malayo sa mga ipis sa probinsiya na mahiyain, konserbatibo, at marunong magtago pag may nakikitang tao. Dito dumating ka na’t lahat sa bahay, dedma pa din. Tuloy tuloy lang sila sa kung anong pinagkakaabalahan nilang gawin. Para tuloy ako ang nakikitira, nakikisama at sila ang nagbabayad ng buwanang renta sa bahay. ‘Eksyusmi, parang ako yata nagbabayad ng renta dito’.

May kakaibang ugali ang mga ipis sa tinitirhan namin ngayon. Mahilig makinood ng tv. Sabi sa Google, ganun lang daw talaga, attracted ang mga ipis sa screen ng tv. Imposibleng ganun lang ‘yun. Kulang na nga lang ipalipat sakin ‘yung channel. ‘Krrt… krrtt… Badoodles, madaling araw na, palipat nga sa channel 100, ‘yung may bold’.

Pano ba gigiyerahin ang lahi ng mga ipis? Waepeks na kasi ang paggamit ko ng Baygon spray. Binabalewala lang ng mga ipis ang spray kaya tinigilan ko na din. Pag nag-iispray ako, para lang silang mga adik na tumatakbo paikot-ikot ng kabahayan pero di naman namamatay. Immune na yata. Mamya makikita mo pang nag-oorgy sa harapan mo na parang nasa taunang Woodstock concert sa Amerika. Taenang mga totnakerong sanamabits. Tinigilan ko na ang pagbili ng Baygon. Ano sila sinusuwerte? Ako tagabili ng pampa-high nila. Kung gusto nilang magpakaadik, bumili sila ng sarili nilang Baygon spray.

Ano ba talagang silbi ng mga ipis? Bakit ba sila ginawa ng Diyos? Alam naman ng Diyos na ‘bad’ sila at wala silang ibang pupuntahan pag namatay kundi sa impiyerno lang.

Si BebeKo naman kinagat din ng ipis sa paa. Sa buong magdamag, tatlong beses yatang binalik-balikan ang kanyang inosenteng paa. Inunahan pa nila akong dila-dilaan ang paa ng BebeKo, mga hayup na perverts. Dahil ayaw naman magkulambo ni BebeKo, sinusuotan ko na lang si BebeKo ng medyas kahit pa labag sa kanyang kalooban. Konting bola lang na astig pamatay ipis ang medyas, sabi sa medyas commercial ni Manny Pacquiao –anti-bacterial ‘yun – mabisang pang-knockout sa pasaway ni ipis.

Nung isang araw, nakagat ng ipis ang daliri sa paa ko. Sobrang kati di ko mapigilang ikaskas sa pader. Buti na lang pala hindi ako sa etits kinagat. Isipin mo na lang itsura ko habang kinikiskis ang sarili sa kahabaan ng pader sa EDSA. Kung may instant headliner sa TV Patrol at Bente Kwatro Oras, alam niyo na kung sinong tatawanan niyo.

Kahit diyahe mang ipa-check up ang pangangati ng paa ko, pinacheckup ko na din kay doktor kuwan. Nakalimutan ko ang pangalan ni doc, basta katunog ng bayag ang apelyido niya. Pero kung inaakala kong tatawanin ako ni doc dahil sa pagpapachekup ko ng kagat ipis, nagkamali ako.

‘Nung isang linggo nagpachekup sakin dito si US Ambassador Kristie Kenney. Nakagat ng insekto ang mata.’, expressionless na sagot ni Doc Bayag.

Naisip ko, mukhang nagkaroon ng masinsinang annual conference ang mga insekto at gustong puntiryahin ang mga high profile na mga tao. Kaya babala na din ito, konting ingat na lang sa inyo, mga katulad kong magagaling, matatalino at artistahin. Tayo ngayon ang target ng mga insekto. Di ko alam kung bakit, ‘wag nyo saking itanong. Baka trip-trip lang nila, pauso ba. Nagbigay na din ng prescription si doc na Chlorpheniramine para kay BebeKo, safe na antihistamine para sa buntis.

Kagabi ang oras ng paghihiganti. Magdamag kong inabangan ang ipis na salarin. Habang naghihintay, inumpisahan kong basahin ang Art of War ni Sun Tzu. Tinandaan ko ang sinabi ni Sun Tzu na ‘Speed is the essence of war’. Alas dose na pero di pa dumadating ang manyakis na ipis. Bumibigat na mata ko pero mukhang iisnabin ng ipis ang duwelong pinaghandaan ko. Madaling araw nang maalimpungatan ako. Isang maitim na bagay ang dahan dahang umaakyat sa aming higaan malapit sa paanan ni BebeKo. Ilang hakbang pa, mayabang na nitong inaangkin at minamarkahan ang teritoryong dapat ay sa akin. Kailangan kong ipaglaban ang aking karapatan. Ito ang nasasabi sa batas. Ang karapatan ay isang bagay na hindi binibigay sa iyong harapan, kailangan mo itong angkinin at ipaglaban kahit pa sa marahas na paraan. Itinaas ko ang aking hawak na Spartan tsinelas. At sa isang iglap, isang malakas na hataw ang tumapos sa walang kakwenta-kwentang buhay ng ipis. Patay ang ipis. Ito ang bihirang pagkakataong masasabi kong may katarungan pa rin sa mundo.





Couldn’t Ask For More

6 05 2008

Hapi bertdey BebeKo.  At dahil ayaw ng mga babaeng nababanggit ang edad nila, hindi ko sasabihing beinte nuebe ka na ngayon.  At dahil ayaw din ng mga babaeng nasasabihan silang matanda, hindi ko din ipapaalala sa ‘yo na mas bata ako ng isang buwan at dalawang linggo.  Ok ba?

 

Andami na nating pinagdaanan sa buhay.  Nakita mo kung pano ako nagbehave mula sa isang pagiging siraulong uhuging disc jockey,  ngayon isa na akong good boy at part time superhero.  Kung dati ako ang ini-stalk mo, inaabangan na marinig ang boses sa radyo at pag di pa nakontento, pasilip silip sa likod ng traysikel malapit sa tindahan namin at nagbabakasakaling masilayan ang anino ko.  Kala ko pa naman hard-to-reach hot tsik kolehiyala ka pa no’n, ‘yun pala, hobby mo na ang pagpantasyahan ako.  Hehe.  Pero ngayon bumaliktad na ang mundo, ako na ang adik na adik sa ‘yo.  Ultimo panty mo, hinahalik-halikan ko.

 

Noon, parang di pa ako seryoso.  Nung panahong ‘tayo’ na nga, hindi man lang kita binigyan kahit lantang red roses.  Pag lumalabas tayo, kung minsan, ikaw pa taya.  Kahit nga sunduin ka sa school pagkatapos ng klase mo, di mo ako maasahan.   

 

Pero hinintay mong magbago ako.  Andami mo ngang hirap sa akin.  Sa law school dati, nahuli mong nakalambitin sa akin ‘yung mga bebot tapos sa harapan mo pa.  Alam kong nasaktan ka dun.  Magpapaliwanang naman ako.  Akala ko kasi gusto lang nilang mag-Tarzan kaya hinahayaan ko lang silang magbaging sa malalaking braso ko.  Ilang araw tayong hindi nagkibuan.  Nung sumunod na araw, nagkasalubong tayo.  Hindi ka nagalit sa akin.  Pilit mong iniintindi ang mga kagaguhan ko.  Kung tutuusin pwede naman sana akong umiwas sa mga ‘yun pero kung bakit di nag-iisip ang kukote ko minsan.

 

Ayaw sa akin dati nina Mama mo saka ni Daddy.  Meron naman kasing mayamang bumbay na may karag-karag na kotse na nanliligaw at sumusundo sa ‘yo, bakit ako pa ang pinili mo.  Pag nagtatampo ka pa nga dati, sinasabihan mo ako ng ‘isang krimen ang mahalin ka’, pero anong nangyari ba’t tayo pa rin hanggang sa huli?  Ano bang nakita mo sa akin at nagawa mong talikuran ang buong mundo para makasama ako?

 

Nakailang break ups ba tayo noon? Tatlo, dalawa pa dun ay tumagal lang ng ilang minuto.  ‘Yung pangatlong break up ang seryosohan.  Alala mo pa ba?  Nasa tuktok tayo ng burol nun, magdidilim na.  Nagda-drama ka pa nga ng inglis sakin sabi mo, ‘Please, when you walk away, don’t look back so you won’t see me hurt’.  Para nakatalikod lang ako at naglilinis ng spark plug ng motorsiklo nagdrama ka na agad.  Oo nga naman pala, sinugod ka kasi ng isang nagmamagandang dilag kaninang umaga dahil sa akin [isang malinaw na kaso ng delusion].  Nagtapang-tapangan ka.  Pinakain mo si hitad ng maaanghang na salita.  Maluluma ang binitawang salita ni Cheri Gil kay Sharon Cuneta na ‘You’re nothing but a second rate TH copy cat’ sa imortal na linyang sinabi mo:  ‘Babae, andami namang bayag diyan sa paligid, hindi ka ba makahanap at kailangan mong makipagsiksikan?’.  Classic.  Pero alam ko napapagod ka na din sa kin.  Sawang sawa ka na sa kung sino-sinong umaaligid at gumagawa ng kwento sa ‘tin.   Isang malaking showbiz ang paligid natin.  Nagawa nila ‘yun kay Sharon at Gabby, pero di ko papayagang gawin din nila sa atin ‘yun.

 

Kaninang madaling araw, di mo alam, naalimpungatan ako, pinapanood kitang matulog ng mahimbing.  Ansarap mong tignan habang sarap na sarap kang sinisiksik ang mukha mo sa kili-kili ko, para bang ‘yung kili-kili ko na ang pinakamabangong unan sa mundo.  BebeKo, sigurado ka bang hindi ka basurera nung past life mo?  Hehe, biro lang po.  Gusto ko nga, pag gumigising ako, ikaw agad ang makikita ko. Ikaw lang ang gusto kong makasama hanggang hanggan, kahit maputi na ang pubic hair ko.   

 

Naisip ko, mahal talaga ako ng Diyos.  Sa dinami-dami ng kalokohan ko sa buhay, ikaw pa ang binigay niya sa akin.  Napapailing na lang ako, ‘Kung sino ang ibinigay ng Diyos sa buhay mo,  isipin mo lang ganyan ka kamahal ng Diyos’.

 

Salamat sa lahat lahat.  Ikaw lang labs ko.  At para sa ‘king bespren, soulmate, at ka-wrestlingan tuwing umaga, gabi at madaling araw, Hapi Hapi Bertdey BebeKo!