Episode 5. How to Start a Business (Guerilla Mode) Part I

17 01 2014

Lumampas ang 2013 na wala man lang ako kahit isang blogpost.  Pasensya na mga kapatid sa blogosperyo sobrang busy ng buhay.  Di nako sumubok mangibang bansa ulit, ok naman ako dito sa Pinas kailangan doble kayod na lang.

Anong balita? Eto nagtatrabaho pa rin ako sa eroplanong mahilig magpiso sale.   Sa inyo ko lang sinabi kasi ‘yung ibang kamag-anak ko pag nalalaman, imbes na ang bati sakin  ‘Oy kumusta ka na?’ ang tinatanong ‘Kelan piso sale? Sabihan mo kami pag promo’.  Pa-tiketan mo na din.  Tsaka sa susunod na lang ‘yung bayad.  Huwayup.

Medyo tumaas na din ng konti ang ranggo ko sa opisina.  Kung dati ako lang ‘yung tagabili ng ulam sa kanto, ngayon binigyan nako ng mga tao ng boss ko – tatlong IT senior consultants tsaka isang bagitong programmer.  ‘Yung tatlo eksperiyensado na sa industriya kaya may mga sungay na, ‘yung bagong programmer naman di pa tinutubuan pero malapit na.  Okay lang isa lang naman ang management practice ko:  ‘Resistance is futile’.

At ang pinakadahilan kaya wala na din akong oras makipagkerengkengan sa inyo ay dahil meron na akong munting raket.  Ano pa bang pinapangarap nating mga empleyado kundi magkaroon ng munting negosyo onda side.  Meron na akong photo, video, saka photobooth.  Kung may oras kayo, pa-like na din –> http://facebook.com/speciallifeevents.  Murang mura.  Wala nang mumura sa pagkamura.  Haha. [Panalo maka-segue way]

Pero dami ko ding pinagdaanang epic fails bago ko nahanap ‘yung negosyong para sa ‘kin.  At para di mo danasin isi-share ko ‘yung mga natutunan ko:

Learn.  Common sense na ‘yung aralin mo ‘yung negosyong gusto mong pasukin pero ‘yun ‘yung basic rule.  Basta aral lang.  Sali ka sa mga grupo na malapit sa negosyong papasukin mo – Alyansa ng Maglalako sa Pinas mga ganun.  Mag-enrol.  Kung walang pang-enrol, mag youtube.   Mag-google. At bawasan ang panonood ng balita dahil puro patayan at nakawan lang mapapanood mo dun wala kang matututunan dun.

Just Do It.  Problema sa ‘tin gusto nating magnegosyo pero laging may palusot  na ‘saka na pag may puhunan’ o kaya ‘kulang pa kasi gamit ko’.  Natutunan ko ‘to kay misis.  kung ano lang ‘yung meron ka ‘yun muna ‘yung gamitin mo para magsimulang magnegosyo.  May cellphone ka?   Magloading business ka muna.  ‘Pag may ipon na, lipat ka na naman sa mas malaking kita na negosyo hanggang maabot mo ‘yung gusto mo.  Si misis nag-umpisa lang magbenta ng ice water sa bahay.  Ngayon dalawa na ‘yung ref niya may kasama pang softdrinks at munting tindahan.  Tawag ko sa kanya ngayon hindi na maybahay, maytindahan na. Di na masama di ba?

modelshootGame face on.  Kelangan kapalmuks ka din.  Konte lang.  Kung hindi, kahit pekein mo na lang.  Gusto kong raket ‘yung pagko-cover ng kasal.  Ang problema wala namang kumukuha sa ‘kin dahil wala pa ‘kong portfolio.  Ang ginawa ko, nag-gate crash ako sa kasal sa Tagaytay.  Mga dalawang beses ‘yun.  Walang bayad.  Nagpapaalam naman ako sa groom kaso ‘yung official photographer nagtataka lang kung sino ako.  Tapos pakaway kaway pa ‘ko sa groom and bride para kunyari close kami.  Pagkatapos nun, sunod sunod na ‘yung tanggap ko.  Naka-walong kasal din ako nung nakaraang taon.

Outsource.  Uso ngayon ang outsourcing kaya madami nang call centers ngayon.  Kung nakaluwag ka na at pwede mo nang i-outsource, i-outsource mo para makapagconcentrate ka kung ano ‘yung pinaka-skillset mo.  Halimbawa sa photography.  Kung pwedeng i-outsource mo na ‘yung pagsesetup ng gamit, kumuha ka ng tao para magsetup para sa’yo [aka assistant] gawin mo.  Pati nga pag-ihi kung pwede ko lang i-outsource, inoutsource ko na din.

Part I lang muna at ‘yan lang ang kinaya ng oras.  ‘Pag nakaluwag ulit.  Pasensya na wala akong baong jokes ngayon.  Hindi naman talaga ako joker.  Natatawa ka lang dahil malikot ang utak mo.  Ang totoo, may seryoso akong blog.  Tsek mo na din.  Segue way number two pasookkk!:

http://kuripotmode.wordpress.com

Di ka nga lang matatawa pero madami kang matututunan.  Pano maging kuripot ngayong malapit na ang World War Z.  Di mo nga lang magagamit ang limpak limpak na pera mo pero pwede mo ding ipambato sa mga zombies.

PS.  Pinapa-sponsor ko nga pala ang blog ko.  Isanlibo isang taon.  Pambayad din ng domain name registration ng kwentongbarbero.com para makatipid.  Anong kapalit?  Ilalagay ko ‘yung banner mo sa right side.  Tsaka libreng kiss.  Isasama din kita sa dasal ko kung gusto mo.

PS2.  Bihira akong magdasal.

Piktyur 1]  Unang sample shot ko nung sumama ako sa isang grupo ng mga photography hobbyists Photography Passion Club of the Pilipins para matuto magpiktyur.  NikonD40 pa ‘yung gamit ko dyan.

Advertisements