Kung sinong gustong makipag-trade in ng kanilang Sony PSP, XBox, o house maid kapalit ng isang betlog ko, call ako. Tatlo ang betlogs ko.
Kailan lang na-diagnose ang bukol ko sa likod malapit sa tagiliran. Paniwala ko, pangatlong betlog ko lang ‘yun. Sabi ng katropa kong doktor, kailangan daw tanggalin. Di ako agad naniwala. Mahirap paniwalaan ang diagnosis ng isang doktor na barka-barkada mo lang. At kahit pa siguro taningan niya buhay ko, parang wala lang sakin. Mas convincing pa nga ang pangalawang teorya ko na ‘yung bukol ko sa tagiliran, kung hindi betlogs, libog lang ‘yun na namuo at hindi nailabas. Mas kapani-paniwala naman di ba? Hinde? Tado ka ah. Suntukan na lang.
Minabuti kong magpa-second opinion sa Asian Hospital. Sabi ni Dr. Cinco tumor nga daw ‘yun at kailangang tanggalin. Totoo nga. Hindi ko na pinagpilitan ang aking personal na teorya. Kung kayo ngang matagal ko nang kapalitan ng kuro-kuro ayaw ding maniwala sa ‘kin, mas lalo pa siguro ang patpating doktor na ‘yun. Dun ko lang napag-isip isip na seryosong usapin nga ‘to, pangatlo ang importansiya kasunod ng all time high poverty rate saka oil price hike na nararanasan ng bansa. Kung madedbol ako, tiyak andami ninyong malulungkot at ngangawa [assuming na totoo kayong kaibigan]. Naisip ko, buti pa ang mga bulate, hindi tinatamaan ng sakit tulad ng tumor, kanser, o pulmonya. Sana naging bulate na lang ako. Bulateng blogger.
‘Kasinlaki siya ng golf ball, na nakakapit sa laman’, paliwanag ni doc habang pabulong kong sinasabing ‘Hindi nga golf ball ‘yun, sabi na kasing betlog ko ‘yun’.
‘You’re saying something?’
‘Ay em saying nothing. Iniisip ko lang doc, kung tatanggalin mo ‘yun, magkaka-keloid ba ako?’.
Tinignan ako ni doc mula ulo hanggang paa, kinakalkula ang probability na ang isang purong native na nanggaling sa pinagsama-samang lahi ng indones, malay at nognog ay pupuwedeng magka-keloid. ‘Sa tingin ko naman sa balat mo, di ka magkakakeloid’. Tarantadong ‘to. Puke ka naman doc, porke ba sandaang porsiyentong exotic ako, wala nakong karapatang magka-keloid?
Pampalipas oras habang hinihintay ang pag-iskedyul ng operasyon, nagbaon ako ng joke para kay doc . ‘Knock Knock doc ’.
‘Who’s there?’, sumakay naman si doc na nakangiting aso wala pa man ‘yung punchline. Natatawang naninibago na parang ngayon pa lang nakaengkwentro ng pasyenteng siraulo. Fyi, nagkalat na kami ngayon sa mundo.
‘Tumor’
‘Tumor who?’
‘Tatanggalin na ni doc ang betlogs ko, ok lang kasi sabi niya I have two more’. Kaadik-adikang corny joke. Hindi natawa si doc.
Bakit kaya walang nagkakatumor sa taba? ‘Yung sasabihin ng doktor na ‘may tumor ka sa taba. Kailangan nating tanggalin ang lahat ng taba mo sa katawan’. Wow. Kung nagkataon, parang good news ‘yun, lahat siguro ng figure conscious mangangarap na magka-tumor sa taba. Para ka lang nagpa-lipo for half the price.
Madaling araw isinagawa ang operasyon. Kasabay ko sa elevator kung hindi mga Kano ay Awstralyanong hatsingero. Bakit kaya nila tinawag na Asian Hospital ito tapos hindi naman Asyano ang mga pasyente. Kung meron man akong nakitang Asyano dun, ako lang ‘yun saka si Aling Anda, ‘yung nanay ni Vic Sotto sa sitcom na Full House ng siyete. At dahil nga Asian Hospital, naisip ko sana may nakapaskil sa reception na ‘Only Asians Allowed’. Para naman makaganti-ganti sa mga Australianong racist na nagkakabit sa kanilang mga restawran ng ‘No Asians Allowed’. Tablado lang. At sana pag bumisita ang mga Australianong racists dito sa Pinas, matetano sana kayo sa kakakain ng fish balls sa kalsada, at sana walang ospital ang tatanggap sa inyo dahil ‘Only Asians Allowed’.
Ilang oras din akong binabad sa control room para i-sanitize ng hubo’t hubad. Nabalewala ang pakikipagbargain ko kay miss nars na kung pwedeng mag salawal. Hindi daw pwede. Period. Gusto niya talagang pagnasaan at angkinin ang kabuuan ng aking katawan. Hayup. At matapos ang matagal na oras, kinumusta ulit ako ni nars. ‘Eto ok naman miss nars, bold star na bold star pa din.’ Saka pa lang niya naalalang bigyan ako ng damit pang ospital. Oo, ‘yung daster na may hati sa likod na kahit anong taling gawin mo ay dudungaw at dudungaw pa din ang iyong pwet.
Maayos naman ang operasyon. Pwede ka pa ngang pumili ng mga kantang ipapatugtog bago ka hiwain ng dalawang doktor at dalawang nars. Pinili ko ang ColdPlay. Gusto ko sana ng April Boys kaso baka tuluyan na nila akong paghiwa-hiwalayin at isupot sa itim na garbage bag. At habang dina-dissect ako ay nagtsi-tsismisan pa ang dalawang doktor kung sino bang tatanghaling FHM’s sexiest ngayong taon. Kaya kung sakaling aksidenteng maputol nila ang kanang hita ko, dalawang tao lang pwede kong sisihin, si Katrina Halili at Marianne Rivera.
Update: Nakatatak na yata sa DNA ko ang pagiging malikot. Ilang araw pagkatapos ng operasyon, bumuka ang sugat. Trip niya lang mag-hello world. Wala ako sa mood makipagkumustahan sa kanya at makipagpalitan ng kuro-kuro tungkol sa all time high poverty rate saka oil price hike ng bansa kaya tinapalan ko ng scotch tape. Bumuka ulit kaya tinapalan ko naman ng electrical tape. Nung huli, pinatahi ko na lang ulit. Ngayon, andito ako sa bahay, nakahilata at nagmamarathon movie at sirang plakang nagpapatugtog ng Metallica. Wag kang mag-alala, hindi pa ako mamamatay. Basahin ang nasusulat tungkol sa masamang damo kung ayaw mong maniwala.
Recent Comments