Huling meeting ko na ‘to sa klaseng Digital Circuit. Late na naman akong pumasok, kaya naman paborito na ako ng mga estudyante. Part time job ko ‘to. Mapagbiro talaga ang Diyos. Biruin mo, ako na mahilig mag-cutting class, pumapasok ng nakainom nung kolehiyo e halos tatlong taon na ring nagtuturo. ‘Meron na si kulit’, narinig ko si Monsi na nagmamadaling pumasok na kanina lang ay panay ang tambol sa dalang beatbox.
Hindi ako nagpapatawag ng ‘sir’ sa klase. Hindi uso sa ‘kin ang labeling ng position. Sinasabi ko sa mga bata, kung may respeto ka sa tao, hindi ‘yun nakikita sa pagtawag-tawag ng sir. Kaya nasanay sila na tawagin ako sa pangalan ko, ‘kuya’, pare o kaya bosing. Ok lang sakin ‘yung bosing. Tawag ko din kasi ‘yun pag sumasakay ng dyip, ‘Bosing, bayad ho’. Pag tinawag kang bosing, clue na ‘yun: hindi ka talaga bosing.
Bosing, ano’ng zodiac sign mo? Entrada ni Solomon, ang pinakamakulit sa lahat, pagpasok na pagpasok ko pa lang sa pinto. May nakahanda na namang ipa-punch line sa kin. Pero hindi ako nagpapawais. ‘Cancer ako e, kaw ba tumor?’. Tawanan. Na-violate na naman ang number wan rule ko sa klase: Wag pinapatawa ang guro pag may hang-over. Nung minsan kasing natawa ako, lumipad ‘yung pinulutan kong mata ng tilapia palabas sa ilong. Watdapaka.
Tseking ng attendance. Perpek. ‘Wala talagang absent?’, panigurong tanong. Wala nga. Alam ng lahat na istrikto ako pagdating sa attendance. Absentee kasi ako nung college. Ang magnanakaw galit sa kapwa magnanakaw. Nag-eexcuse din ako basta ba naaksidente ka. At dapat basag basag talaga ang bungo mo.
‘Mga bata, redi na sa exam?’. ‘Mga bata’ ang tawag ko pero kung tutuusin mas malalaki pa sila. Pwedeng pwede nga nila akong sagasaan sa kanto kung gugustuhin lang nila. Magaling lang akong mam-bluff kaya wala pang nagta-try. ‘Bosing, ilang items ang exam? Di nako sumagot pero sa ngiti ko pa lang, nasusuma na nilang 200 items na naman na puro problem solving. ‘Parusa naman ‘to’. Set A, B saka C. Panakot ko, ang lumingon sa kaklase tatargetin ng eraser o kaya itatapon sa bintana. Maliban pa sa ALL CAPS na warning na nakasulat sa test paper: Cheating is a mortal sin. You will burn in hell.
Nagsimula na ang exam. Nagbigay din ako ng konting reminder na kabisadong kabisado na ng mga estudyante ko: ‘ Ang exam para ding seks ‘yan. Hindi kailangang nagmamadali’. Ang totoo, hindi naman talaga bawal ang mangopya sa klase ko. Wag na wag ka lang magpapahuli. Dapat mas wais ka sa akin. At dahil papunta ka pa lang, pabalik na ako, alam na alam ko na ‘yang mga style tulad ng kodigo na size 4 ang font, ‘sign language’, ipit sa kilikili, atbp. Busy na ang lahat mag-solve. Upo muna ako sa harap ng computer para magbloghop. May offline message si Yvette sa Yahoo Messenger, dati kong estudyante. ‘Bos tnk u. Tenk yu po sa pagturo ng wireless network. Naimpress sa kin ‘yung boss nung pinagawa kami’. Nag-oojt si Yvette sa isang anti-virus company. ‘Be good. Galingan mo diyan’, nag-iwan ako ng offline message. Putek, pakiramdam ko tuloy proud father ako na parang nag-pers honor ang isang anak.
Matapos ang dalawang oras na exam at pangungulit sa mga bata, yosi breyk muna. Nag-abot si Jon ng isang stick ng Marlboro green, ‘Bosing, nakatikim ka na ng chongki?’. Umiling ako habang sinisindihan ang yosi, ‘Bakit, kayo ba?’. ‘Dyan kami dati bumabatak bosing’. Tinuro ni Jon ang basement ng building. ‘Sige gawin nyo lang yan tangena nyo nang mapunta kayo sa impyerno’. Tawanan.
Putek, napaisip ako. Di ko na makakakulitan ang mga ‘to ng ilang buwan. Masakit mang isipin na pinagpalit ko sila para sa ilang araw na pahinga kada linggo, pero talagang ganun na nga. Di ko pwedeng gawin ang lahat. Di naman talaga ako si Superman. Saka kelangan ko ring alagaan si BebeKo, namamayat na. Pano pakonti-konti lang kumain. Di ko na rin nga pinaunlakan ang imbitasyon sa isang kolehiyo na magturo. ‘Bosing, seat in kami sa klase mo next term.’ Si Jalu. Oo lang ako. Di kasi ako marunong magpaalam. Pero sina Jepoy nasabihan ko. ‘Pano ‘yan, e di wala nang drinking session sa Alabang?’. Malamang ganun na nga.
Makulit nga siguro ako pero kahit papano meron din naman silang natutunang aral sa ‘kin na pwede nilang baunin pag-alis ko. Higit pa sa lessons sa klase, may mga mas importanteng aral tulad ng pakikisama, pagiging totoo, at respeto. ‘Yun yon.
Kamakailang puna